Kinumpirma ng Department of Health ang posibleng pagbaba sa mga naitatalang kaso na nagkakasakit ng dengue ngayong patuloy ang mataas na heat index sa bansa.
Ayon kasi sa kagawaran, mas nababawasan umano ang mga naiiwang tubig sa kapaligiran sapagkat ito’y natutuyo, na siya namang dahilan sa pagkunti ng mga lamok.
Sinabi mismo ni Assistant Secretary Albert Domingo ng Department of Health na ang bilang sa mga kaso ng dengue ay maaring bumagsak ngayong kaunti na lamang ang pwedeng pangitlugan ng mga lamok.
Ngunit mariin naman niyang pinaalalahanan ang publiko na huwag pa ring magpakampante sa banta ng naturang sakit na minsa’y nagdudulot pa ng pagkamatay ng iilan.
‘Una sa lahat ay dahil mataas na ang sikat ng raw natutuyo yung paligid, bumabawas yung tubig sa paligid pati yung pag-ulan humihina,’ ani Assistant Secretary Albert Domingo ng Department of Health (DOH).
‘Maaring bumagsak ang bilang ng dengue cases kasi yung bilang ng lamok bumababa dahil natutuyo. Ngunit, ang aming sinasabi lagi is huwag po tayong maging kampante,’ dagdag pa ni DOH Assistant Secretary Albert Domingo.
Samantala, sinabi din niya na sa kabila ng mainit at nakatutuyong panahon, hindi maiiwasan na ang ilan ay nag-iimbak pa rin ng tubig sa kani-kanilang mga tahanan.
Kaya payo ng DOH, panatilihing may takip at itaob o itaktak ang mga lalagyan na posibleng pag-ipunan ng naiwang nakatambak na tubig.
Kaugnay pa rito, nagbigay din ng babala si Assistant Secretary Albert Domingo na agarang magpakonsulta sa doktor kung sakaling makakita o magkaroon man ng pamamantal sa katawan at pagsusugat sa gilagid.
Aniya, ito ay sintomas ng posibleng advance stage ng sakit na dengue na siya namang lubhang mapanganib.