Nakakita ang Department of Health (DOH) ng pagtaas sa dengue cases sa Cordillera Administrative Region (CAR) at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), bukod pa sa ibang mga rehiyon na nauna na nilang iniulat na mayroong increase sa dengue cases.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, mahigpit nilang binabantayan ngayon ang sitwasyon sa naturang mga lugar kasunod ng bahagyang pagtaas sa mga naitalang dengue cases kamakailan.
Noong nakaraang linggo, sinabi ni Vergeire na nakakita rin sila ng pagtaas ng dengue infections sa Zamboanga Peninsula, Cagayan Valley, Western Visayas, at Davao Region.
Pero binigyan diin niya na sa kabila nito, ang weekley reported dengue cases sa buong bansa ngayong taon ay mananatiling mas mababa naman kumpara sa naitala noong 2021.
Abril 8 nang magdeklara ang Zamboanga City ng dengue outbreak matapos na sumirit sa 893 ang dengue cases sa kanila, kabilang na ang 11 nasawi, mula noong Enero hanggang Abril 2.
Kaya naman hinihimok ni Vergeire ang publiko na sundin ang 4S o ang Search and destroy mosquito-breeding sites; Self-protection measures; Seek early consultation of symptoms; at Support spraying o fogging para maiwasan ang outbreaks sa hinaharap.