CENTRAL MINDANAO-Patuloy na bumababa sa Kabacan, Cotabato ang naitatalang kaso ng dengue.
Base sa datos ng Municipal Epidemiology Surveillance Unit (MESU-Kabacan), nasa 8 dengue cases lamang ang naitala ng bayan para sa buwan ng Hulyo 2020.
Mas mababa ito ng 77% kumpara sa kaparehong buwan noong 2019.
Dagdag ng MESU-Kabacan, ang naitalang dengue cases sa bayan ay naitala sa apat na barangay kung saan 5 sa mga ito ay mula sa Brgy. Simone at tig-isang kaso sa Katidtuan, Magatos at Poblacion.
Nananawagan naman si Liga ng mga Barangay President Evangeline Pascua-Guzman sa mga Barangay Local Government Units (BLGUs) na ipagpatuloy ang pagsasagawa ng mga hakbang upang masugpo ang mga lamok na posibleng may dalang dengue.
Nagpaalala naman si Mayor Herlo Guzman Jr sa mga residente ng bayan ng Kabacan na mag-ingat kontra dengue lalo na ngayong panahon ng tag-ulan.