CENTRAL MINDANAO-Pumalo na sa labing isang kaso ng dengue sa bayan ng Kabacan Cotabato para sa buwan ng Agosto 2022.
Mas mataas ito kumpara sa buwan ng Hulyo taong kasalukuyan.
Paliwanag ni MHO Dr. Sofronio T. Edu, Jr. base sa case definition na inilabas ng Department of Health kaugnay sa Dengue, ang tinatawag na dengue suspect case ay mga kasong nagpakita ng dalawa o higit pang senyales ng sakit na dengue habang ang dengue probable case naman ay yaong mga nakapagpalaboratoryo at nagpositibo ang resulta sa dengue virus antigen detection o NS1.
Dagdag pa ni Edu, ang paglalagay ng ganitong klasipikasyon ay upang hindi makapagdulot ng panic sa publiko lalo’t ang terminong dengue ay nagpapabahala sa publiko.
Bagamat mas mataas ang naitalang kaso, siniguro naman ni Kabacan Municipal Mayor Evangeline Pascua-Guzman na kontrolado ng lokal na pamahalaan ang sitwasyon at siniguro na ang mga Barangay Officials ay nagsasagawa din ng mga paglilinis sa mga kapaligiran na maaaring pamahayan ng lamok na may dalang dengue.
Kasabay nito, hinikayat din ng alkalde ang publiko na magkusa at gawin ang search and destroy sa mga maaaring pamahayan ng lamok na may dalang dengue.