TUGUEGARAO CITY-Umaabot na sa 10,644 ang bilang ng dengue cases sa Region 2 mula Enero hanggang Agosto 27 ngayong taon.
Sinabi ni Dr. Romulo Turingan ng Epidemiology and Surveillance Unit ng Department of Health Region 2 na ito ay 2,199 percent na mas mataas kumpara nitong nakalipas na taon sa parehong panahon.
Ayon kay Turingan, ang Cagayan ang may pinakamataas na bilang na 4,520, sunod ang Isabela na may 3,983, Nueva Vizacaya na 1,627, Quirino na 296, Santiago na na may 194 at Batanes na may 24.
Ang bilang naman ng mga namatay ay umaabot na sa 17 kung saan walo ang mula sa Cagayan, lima mula sa Isabela, at tig-isa ang Nueva Vizcaya, Santiago, Quirino at Batanes.
Sa Cagayan ay may namatay ngayong buwan ng Agosto na mula sa Gonzaga at Lasam.
Sinabi ni Turingan na halos lahat din ng mga bayan sa Cagayan ay may clustering ng dengue cases kung saan ang pinakamarami ay sa lungsod ng Tuguegarao na may 16 at sumunod ang Baggao na may 12.
Gayonman, sinabi ni Turingan na mababa na sa alert threshold ang dengue sa rehion dahil sa pagbaba ng kaso kasabay ng pananalasa ng bagyong ‘Florita’.
Subalit, sinabi niya na posibleng sa susunod na mga linggo ay tataas na naman ang mga kaso dahil sa pagkatapos ng bagyo ay marami na naman ang mga breeding sites ng mga lamok.
Dahil dito, pinayuhan ni Turingan ang lahat na magsagawa ng kahit isang beses sa isang linggo na search and destroy operation sa mga posibleng breeding sites ng mga lamok upang maiwasan na mangitlog at dumami ang mga lamok na may dalang dengue virus.
Samantala, sinabi ni Turingan na bago pa man ang face to face classes ay nakipag-ugnayan na sila sa mga eskwelahan kung saan kabilang sa naging aktibidad sa ‘Brigada Eskwela’ ay ang paglilinis sa loob at labas ng mga paaralan.
Bukod dito, namigay din sila ng insecticide treated curtains sa mga highly endemic dengue areas.