VIGAN CITY – Katuwang ng Department of Health (DOH) ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa mahigpit na monitoring sa nationwide 4 o’clock habit sa bansa.
Ito ay may kaugnayan sa deklarasyon ng Nationwide Dengue Epidemic.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Undersecretary Eric Domingo na ang nationwide 4 o’clock habit ay ang hakbang ng DOH na tuwing sasapit ang alas-4:00 ng hapon ay sabay-sabay na itataob ang mga bagay sa bakuran na maaaring pangitlogan ng lamok na may dalang dengue.
Kasama umano ng mga local government units sa monitoring sa nasabing hakbang ang mga regional offices ng DOH upang matiyak na ang lahat ay sumusunod dito.
Layon pa nito na mapababa ang bilang ng mga dengue cases sa bansa na siyang rason kung bakit naideklara ang nationwide dengue epidemic.
Ipinaliwanag ng opisyal na matatanggal lamang ang nasabing deklarasyon kung makikita nila na mababa na ang kaso ng dengue sa iba’t ibang lugar dito sa bansa.