-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Ipinaliwanag ng Department of Health (DOH) Bicol ang tinitingnang dahilan kung bakit lumobo ang kaso ng dengue sa rehiyon.

Nabatid sa latest data ng kagawaran na nasa 3,127 na ang dengue cases sa rehiyon at 36 katao rito ang binawian ng buhay.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Dr. Ernie Vera, regional director ng DOH Bicol, na karamihan sa mga namatay ay pawang hindi kaagad nadala sa ospital.

Kaya mahigpit nilang pinaalalahanan ang publiko na kaagad magpakonsulta kapag makitaan ng sintomas ng dengue ang isang indibidwal.

Kabilang sa mga sintomas ang pabalik-balik na lagnat sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw, pamumula at pamamantal at pananakit ng kasu-kasuan na posibleng maging seryoso kung hindi agad matutukoy.

Sa kabila ng mataas na mortality rate, nilinaw ni Vera na hindi pa naman nakakaabot sa dengue epidemic threshold sa Bicol.

Pinakamataas na kaso ang hawak ng Camarines Sur na nasa 1,248 at may 14 na ring namatay.