ROXAS CITY – Nagdeklara na ng dengue outbreak ang gobernador ng Capiz kasunod ng patuloy na pagtaas ng sakit na dengue sa lalawigan.
Sa pamamagitan ng Executive Order No. 001 na pirmado ni Governor Esteban Evan “Nonoy” Contreras idineklara na ang dengue outbreak sa lalawigan.
Ayon kay provincial administrator Dr. Edwin Monares nasaad sa EO na suportado ng lokal na gobyerno ng lalawigan ang pagpapagamot sa mga pasyente na may sakit na dengue.
Batay sa rekord ng Provincial Health Office (PHO) umabot na sa 2,177 ang dengue cases at 14 na ang namatay simula noong Enero hanggang ngayong buwan ng Hulyo.
Mas tumaas ang bilang ng mga nabiktima ng dengue sa 771 percent kumpara noong 2018.
Dahil dito, magsasagawa ng clean up drive o 4’oclock habit tuwing araw ng Sabado sa mga barangay para maiwasan ang mga lamok na nagdadala ng sakit na dengue.
Napag-alaman na ang lalawigan ng Capiz ang ikalawa sa Rehiyon 6 na may pinakamaraming kaso ng nasabing sakit.