VIGAN CITY – Muling nanindigan ang Department of Health (DOH) na hindi gagamitin para sa national immunization upang masugpo ang sakit na dengue sa bansa ang kontrobersyal na anti-dengue vaccine na Dengvaxia.
Ito ay kahit na kung sakali ay pahintulutan itong maibalik at muling maibenta sa merkado.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Health Undersecretary Eric Domingo na pinag-aaralang mabuti ng ahensya ang muling paggamit ng dengvaxia ngunit hindi nagbabago ang kanilang pananaw na hindi ito ang solusyon upang tuluyang masugpo ang dengue.
Ayon kay Domingo, nakita umano ng publiko ang epekto ng nasabing bakuna kung gagamitin sa national immunization program ng gobyerno kaya nag-iingat sila.
Kaugnay nito, hinimok ng opisyal ang publiko na makiisa sa inilunsad na mas pinaigting na nationwide 4o’clock habit kasabay ng deklarasyon ng national dengue epidemic upang mapuksa ang mga pinamumugaran ng lamok na may dalang dengue.