Nalabag umano ng grupo ni dating Health Sec. Janette Garin sa pagbili ng Dengvaxia vaccine ang Universally Accessible Cheaper and Quality Act of 2008.
Ito ang lumabas sa pagsisiyasat ng Department of Justice (DoJ) panel of prosecutors na nag-imbestiga sa Dengvaxia cases na isinampa laban kay Garin at iba pang mga respondent.
Ayon sa panel, wala ang Dengvaxia vaccine sa listahan ng Philippine National Drug Formulary (PNDF).
Sa ilalim anila ng Republic Act 9502, mahigpit na ipinagbabawal ang pagbili ng mga gamot na wala sa listahan ng Philippine National Drug Formulary.
Sinabi pa ng panel na kapag ang gamot na bibilhin ng gobyerno ay wala sa listahan ng PNDF, kailangan daw na aprubado ito ng Formulary Executive Committee lalo na kapag may agarang pangangailangan sa gamot.
Lumalabas na ang purchase request sa Dengvaxia vaccine ay ginawa noong January 2016 at ang aktuwal na pagbili ay ginawa agad noong March 2016.
Si Garin at 19 na iba pa ay pinakakasuhan ng DOJ ng reckless imprudence resulting in homicide.