Pinabagsak ni Filipina mixed martial artist Denise Zamboanga ang Ukrainian fighter na si Alyona Rassohyna sa pagharap ng dalawa sa ONE Interim Women’s Atomweight MMA World Title sa Thailand.
Nagawa ni Zamboanga ang naturang panalo sa ikalawang round ng laban sa pamamagitan ng pagpapaulan ng maraming hammerfist at elbow strike sa Ukrainian fighter.
Hindi na nakaganti si Rassohyna hanggang sa pinatigil na ng referee ang laban ilang segundo na lamang bago matapos ang 2nd round at idineklara ang Pinay fighter bilang panalo.
Dahil sa panalo, inaasahang makakaharap muli ng Pinay fighter ang kasalukuyang divisional champion na si Stamp Fairtex para sa unification fight.
Bago sa laban ni Zamboanga, dinomina rin ni Filipino muay thai fighter Islay Bomogao ang laban kontra kay Chinese fighter Ran Longshu, daan upang ibulsa ng Igorota ang kaniyang ikalawang panalo sa One Championship.
Si Islay ay ang top muay thai fighter sa buong mundo, sa ilalim ng 45kg female elite division batay sa ranking ng International Federation of Muaythai Associations (IFMA).
Ayon naman sa One Championship, maituturing si Zamboanga bilang unang Pinay na nakapagbulsa ng MMA World Title.