BUTUAN CITY – Inihayag ni Shiralyn Baquiano Hjerming direkta mula sa Ringsted, Denmark na nakapatala na ng 18 kumpirmadong kaso ng COVID-19 Omicron variant at 42 mga suspected cases ang nasabing bansa.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ng dating Butuanon na ang 18 mga kaso ay parehong mga Danish at walang naitalang mga overseas Filipino workers (OFWs).
Kahit na kontrolado pa ng pamahalaan ng nasabing bansa ang mga kaso, positibo si Hjerming na madagdagan pa ito lalo na’t winter season sa kanila ngayon na syang paboritong klima ng coronavirus.
Sa ngayo’y wala pang inilabas na advisory ang Philippine Embassy para sa lahat ng mga Pinoy na nasa Denmark ngunit sa anyang nalalaman, kasama ang Denmark na kina-categorize ng Pilipinas bilang yellow country na kungsaan kailangang isasa-ilalim sila sa kwarantina kung uuwi ng bansa.