Muling itinakda ng Department of Justice (DoJ) ang pagdinig sa pagpatay sa negosyanteng si Dominic Sytin sa Abril 15.
Sa isinagawang pagdinig ng DoJ panel na pinangaunahan ni Senior Assistant State Prosecutors Juan Pedro Navera, present sa pagdinig ang pangunahing suspek sa krimen na kapatid mismo ni Dominic na si Dennis.
Pormal na pinanumpaan ni Dennis ang kanyang kontra salaysay sa harap ng DoJ panel.
Pinanumpaan din ng itinuturong gunman na si Edgardo Luib ang kanyang affidavit.
Si Luib ang kumanta at nagturo kay Dennis na siyang utak sa pagpatay sa Subic base businessman.
Kasama pa sa mga nanumpa sa kanilang mga salaysay ang dalawang pulis na testigo rin sa krimen.
Inaasahan din ang pagsusumite ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng kanilang pleadings sa Abril 15.
Hiniling naman ng kampo ni Dennis Sytin na palawigin pa ang pagsusumite ng kontra salaysay ng lima nilang testigo na pinagbigyan naman ng panel.
Ayon kay Navera kailangang isumite ng counsel ni Dennis ang mga affidavit ng kanilang mga testigo sa susunod na pagdinig.
Una nang nagsampa sa DoJ ng reklamong murder at frustrated murder ang maybahay ni Dominic na si Ann Marietta Sytin laban sa kanyang bayaw na si Dennis Sytin.
Bukod kina Luib at Dennis, kasama rin sa mga inireklamo sina Oliver Fuentes, alyas Ryan Rementilla na kababata si Luib.
Si Dominic Sytin, founder at chief executive officer ng United Auctioneers, Inc. (UAI) ay binaril at napatay sa harap ng Lighthouse Hotel sa Subic Bay Freeport Zone noong November 28, 2018.
Nasugatan din sa pamamaril ang bodyguard ng negosyante na si Efren Espartero.