Nagharap sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Blue Star Construction Development Corp., kaanib ng Masungi Georeserve Foundation, kaugnay ng kontrobersyal na pagkansela ng kanilang kasunduan.
Iginiit ni Environment Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga na ang pagkansela sa Supplemental Joint Venture Agreement ay batay sa batas, hindi isang espesyal na kaso.
Ayon sa DENR, ginamit ang 2014 COA findings at konsultasyon sa DOJ at Solicitor General upang ipagtibay ang desisyon, dahil umano sa kawalan ng bidding, mababang implementasyon ng proyekto, at kakulangan ng presidential proclamation.
Mariing itinanggi ng Masungi at ng tagapagsalita nitong si Billie Dumaliang ang mga alegasyon, at sinabing hindi sila nakatanggap ng anumang pormal na abiso. Giit niya, alinsunod sa ENIPAS law ang kanilang mga ginagawa para sa pangangalaga ng kalikasan.
Hinimok ni Senador Alan Peter Cayetano ang pagbuo ng technical working group upang maresolba ang gusot, at binigyang-diin ang pangangailangan ng modelo ng epektibong conservation efforts.
Ang sigalot ay nag-ugat sa umano’y kabiguan ng Blue Star na makapagtayo ng 5,000 housing units, habang isinusumbat naman ng Masungi na hindi tinupad ng gobyerno ang pangakong pagpapaalis sa mga ilegal na naninirahan sa lugar.