Pinag-aaralan na ng Department of Environment and Natural Resources ang pagkuha sa mga waste pickers o mas kilala bilang mga mangangalakal, para sa kampanya nito laban sa labis na pagkalat ng mga plastic sa paligid.
Ayon kay DENR Sec Antonio Yulo Loyzaga, napakahalaga ng ginagampanang tungkulin ng mga waste pickers sa bansa dahil sa nakakatulong ang mga ito na bawasan ang mga nagkalat na basura sa paligid.
Sa pamamagitan ng mga mangangalakal, tinitingnan ng DENR ang posibilidad na gawing formal activities o trabaho ang simpleng collection at sorting o paghihiwalay sa mga basura.
Maaari aniyang ilapit ang mga mangangalakal sa mga malalaking kumpanya sa bansa, dahil sa kalimitang sa kanila nangagaling ang mga basurang plastic sa paligid.
Inihalimbawa ng kalihim ang Expanded Producer Responsibility o EPR Law ng bansa kung saan, sa ilalim nito, ay kailangang tumulong ang mga malalaking kumpanya para mapigilan ang labis na pagkalat ng mga basura na galing mismo sa kanilang mga produkto.
Ani Sec Loyzaga, sa ilalim ng EPR Law ay maaaring maging extension o business partners ng mga kumpanyang ito ang mga mangangalakal.
Maaari ding suportahan aniya ng mga kumpanya ang mga mangangalakal upang maging isang grupo, isang Non Government Organization o isang kooperasyon.
Sa panig naman ng DENR, sinabi ni Loyzaga na tutulong ito upang maisakatuparan ang nasabing sistema.
Tiyak aniyang makakatulong ito sa kampanya ng pamahalaan laban sa labis na pagkalat ng mga plastic sa paligid.