-- Advertisements --
Screenshot 2019 07 08 06 57 29

Hindi pa matantiya ng Department of Environment and Natural resources kung magkanong halaga na ng pinsala sa ecosystem ang idinudulot ng oil spill mula sa lumubog na Mt Princess Empress.

Ayon kay DENR Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga, para masabi nila ito, kinakailangan munang makababa sila sa ilalim ng dagat at makita mismo kung ano ang hangganan ng pinsala ng langis o kung gaano kalawak na ang inabot nito at gaano karami ang binalot nitong mga yamang dagat tulad ng corals at seagrass areas.

Pero sa ngayon aniya ay nakikita nilang napakalawak na ektarya na ng dagat ang inabot ng tagas ng langis.

Paliwanag ni loyzaga, mayroon silang reference figure para sa valuation o pagtaya sa mga posibleng lugar ng kontaminasyon, subalit kailangan nilang magkaroon ng physical confirmation sa pamamagitan ng pagbaba mismo sa karagatan para ito makita.

Kinumpirma din ni Loyzaga na may nakita ng langis sa isla verde passage kilalang mayaman sa marine life.

Nakumpirma aniya nila ito katuwang ang mga eksperto mula sa amerika at iba pang mga non government organizations kasama ang University of the Philippines marine science institute na tumutulong sa kanila sa valuation o pagtantiya sa halaga ng pinsala sa ecosystem.

Ang mga ito rin aniya ang tumutulong sa kanila para matukoy ang posibleng direksyon ng takbo ng tagas ng langis para alertuhin ang mga munisipalidad na tatamaan nito at mabigyan sila ng agarang babala upang kanila itong mapaghandaan.