-- Advertisements --

Hindi tinanggap ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang lahat ng motion for reconsideration na kanselahin ang Protected Area Community-Based Resource Management Agreement (PACBRMA) sa Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI).

Ito ang ibinunyag ng DENR sa pagpapatuloy ng Senate plenary deliberations sa panukalang 2025 national budget ng ahensya na dinidepensahan ni Senadora Cynthia Villar.

Ayon kay Villar, nakahanap na ng relocation site ang mga residente sa Barangay Nueva Estrella, Socorro lowland, isang private land kung saan inaayos sa ngayon para mabili ang lupa sa may-ari.

Nasa 108 na pamilya aniya ang nagboluntaryong bumaba mula sa Sitio Kapihan na matatagpuan sa bulubunduking bahagi ng Socorro.

Samantala, 464 na pamilya naman aniya ang hindi pa nakalilipat dahil hinihintay pa nila
na makuha ang lupa.

Nang tanungin naman ni Senadora Risa Hontiveros kung bakit hindi naisama ang 464 sa reintegration, sinabi ni Villar na hindi na makababalik ang mga pamilyang ito sa kanilang mga dating tinitirhan dahil naibenta na nila ang kanilang mga ari-arian bago sumapi sa SBSI sa Sitio Kapihan.

Bukod sa DENR, nakikipagtulungan na rin sila aniya sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Education (DepEd), Philippine National Police (PNP) at Department of Health (DOH) para sa reintegration ng mga pamilya.