-- Advertisements --

LA UNION – Dismayado ang 28 petitioners sa pagbasura ng Office of the Regional Panel of Arbitrators ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Regional Office 1 sa inihain nilang petisyon laban sa planta ng Holcim Philippines, Inc. na nakabase sa Barangay Quirino sa bayan ng Bacnotan, La Union.

Sa panayam ng Bombo Radyo sa isa sa mga petitioners na si Eduardo Orejudos, sinabi nito na halos 68 taon nang inilalaban ng kanilang mga magulang at ipinagpapatuloy lamang nila ito ang paghingi ng kompensasyon mula sa naturang planta.

Ayon kay Orejudos, pinakikinabangan daw ng nasabing kompanya ang kanilang mga lupain sa pamamagitan ng pagkuha ng mga raw materials sa paggawa ng semento sa loob ng matagal na panahon ngunit wala man silang natatanggap na bayad.

Nagawa pa umano nilang sulutan si DENR Secretary Roy Cimatu tungkol sa naturang usapin ngunit wala silang nahintay na sagot.

Umaangal din ang mga petitioners sa mabagal na paglabas ng desisyon ng Office of the Regional Panel of Arbitrators na sa loob ng dalawang taon na pabalik-balik sila sa nasabing tanggapan ay ibabasura lamang ito dahil sa kawalan ng hurisdiksyon.

Nanawagan si Orejudos at mga kasama nitong petitioners kay Sec. Cimatu na magsagawa muli ng pagsisiyasat upang tuklasin ang katotohanan hinggil sa kanilang hinaing at paghingi ng kompensasyon na matagal na nilang hinihintay mula sa planta.