Hinimok ng mga environmentalists sa buong bansa ang Department of Environment and Natural resources na pangalagaan, pangasiwaan at isulong ang wastong paggamit ng likas na yaman ng bansa.
Ayon sa naturang sektor, malinaw ang mandato ng DENR sa ilalim ng Executive Order 192 na nilagdaan noong 1987 ng yumaong dating Pangulo Corazon Cojuangco Aquino.
Partikular anila na nakapaloob sa EO 192 ang mga responsibilidad ng DENR tulad ng pangangalaga, pangangasiwa at pagsusulong sa wastong paggamit ng likas na yaman.
Inupakan din ng environmentalist ang pagturo ng DENR sa Philippine Reclamation Authority sa pagdedesisyon sa isyu reclamation projects sa Manila Bay.
Una na ring hiniling ng ilang grupo ang pagbibitiw sa pwesto ni DENR Secretary Marian Antonia Yulo-Loyzaga.
Minsan na ring nadawit sa kontrobersiya ang kalihim nang magkaroon ng hidwaan ang mga haciendero at mga katutubong magbubukid na benepisyaryo ng Republic Act 6657 (Comprehensive Agrarian Reform Law of 1988), sa bisa ng Notice to Vacate na ipinalabas ng DENR sa mga nakapwesto sa lupang agraryo.
Una na ring ibinunyag ng grupong Pesante na nasa 10,000 magsasaka ang patuloy na naghihintay sa pamamahagi ng lupang kinuha ng YK Ranch sa Palawan.