Ibinabala ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang labis na sulfur dioxide emission mula sa bulkang Kanlaon.
Ito ay kasunod ng isinagawang pag-aaral ng Manila Observatory sa satellite imagery na inilabas ng Korean Space Agency.
Natuklasan ng DENR ang malaking porsyento ng asupre sa himpapawid na pinaniniwalaang nagmula sa mga ibinubuga ng bulkang Kanlaon.
Bagaman ang Kanlaon ay nasa Negros Islands, umabot na rin umano ito sa Panay Islands kung saan natuklasan na mataas ang sulfur dioxide concentration sa parehong isla.
Paliwanag ni DENR Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga, natunton pa ang mga bakas ng asupre hanggang sa 36,000 kilometro mula sa daigdig. Ito ay nangangahulugan aniya ng mataas na concentration ng asupre sa himpapawid ng dalawang malalaking Visayan islands.
Ayon pa sa kalihim, maaari itong maka-kontamina sa mga water sources, at hindi na ligtas para pang-inom at maging sa pang-irigasyon.
Dahil dito, ilang serye ng water testing ang isasagawa ng ahensiya para matukoy ang kalidad ng tubig sa mga lugar apektado sa pagputok ng bulkan.