Ipinag-utos na ni Environment Sec. Roy Cimatu ang imbestigasyon sa mga hotel at establisimentong nakapaligid sa Manila Bay area matapos mamataan ang discoloration ng tubig sa nasabing lugar.
Ayon kay Cimatu, ang biglaang pagiging kulay turqoise blue mula sa dating dark blue ng tubig sa Manila Bay ay posible raw na sanhi ng direktang pagtatapon ng wastewater galing sa mga treatment plants ng mga gusali at establisimento sa bisinidad.
Nitong nakalipas na Sabado nang personal na nag-inspeksyon si Cimatu sa baywalk malapit sa isang malaking mall sa Pasay city upang tingnan ang kulay ng tubig sa nasabing area.
Inatasan na rin ni Cimatu si Environment Usec. Benny Antiporda na i-monitor ang imbestigasyon na isasagawa ng DENR-NCR at Environmental Management Bureau.
Matatandaang kumalat sa social media noong nakaraan ang isang video kung saan makikita ang sinasabing pag-iiba ng kulay ng tubig sa Manila Bay.