Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. Ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na magpadala ng agarang tulong sa clean-up ng oil spill na dulot ng paglubog ng motor tanker (MT) Princess Empress sa Oriental Mindoro.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO) tinitingnan na ng DENR ang paghingi ng suporta mula sa mga kalahok sa Balikatan, isang taunang aktibidad ng Armed Forces of the Philippines at United States Armed Forces.
Sa pulong sa Malakanyang sinabi ni DENR Secretary Antonia Loyzaga na makikipag-ugnayan ang ahensya sa United States (US) Embassy hinggil sa posibilidad na makapag-deploy ng participants mula sa joint military drills para makatulong sa clean up.
Nagpaabot din ng intensyon ang Japan at South Korea na tutulong sa pagkontrol ng pinsala.
Nakikipagtulungan din ang DENR sa mga local government units at sa may-ari ng oil tanker.
Habang ang Department of Social Welfare and Development ang naatasan na maglaan ng pondo para sa cash-for-work program para sa mga residente.
Maraming mangingisda sa Oriental Mindoro ang naapektuhan ang pamumuhay dahil ipinagbawal muna ang paghuli, pagbebenta at pagbili ng mga pagkaing dagat sa mga lugar na apektado ng oil spill.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gahalian, kabilang sa kailangan tulungan ang mga apektadong residente sa mga bayan ng Bansud, Bongabong, Bulalacao, Gloria, Naujan, Pinamalayan, Pola and Roxas sa Oriental Mindoro; Caluya sa Antique at Agutaya sa Palawan.
Ani Loyzaga, mayroon nang P60 million na nailaan para sa cash-for-work program ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD).