Kinumpirma ng pamunuan ng Department of Environmental and Natural Resources na tuluyan na nilang kinansela ang Protected Area Community-Based Resource Management Agreement (PACBRMA) ng People’s Organization ng Socorro Bayanihan Services Incorporated na pinamumunuan noon ni Senior Aguila.
Ito ay inanunsyo mismo ni DENR Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga sa ginanap na press conference sa Central Office ng ahensya.
Ayon kay Loyzaga, naisilbi na ng kanilang ahensya ang naturang kautusan kaninang umaga na maayos naman aniyang tinanggap ng grupo.
Kaugnay nito, aabot sa isang libong sambahayan ng naturang religious group ang apektado ng kautusan.
Aabot naman sa 300 na ektarya ng lupa ang babawiin ng ahensya sa grupo.
Sinabi ng ahensya na dahil ito sa mga patong-patong na paglabag ng SBSI sa protected area deal.
Kabilang na rito ang pagtatayo ng mga iligal na istruktura tulad ng wage pool, radio station.
Giit ng ahensya, ito ay hindi naaayon sa protected management plan.
Samantala, nakatakda namang makipagpulong si Loyzaga sa DILG at DSWD.
Layon nitong matiyak na magiging maayos ang resettlement ng mga miyembro ng komunidad na maaapektuhan ng desisyong ito ng DENR.
Kung maaalala, naging sentro ng kontrobersiya ang SBSI noong Sept 2023 dahil sa sinasabing mala-’kultong’ pamamalakad nito at ilang pang-aabuso ng leader nitong si Senior Aguila.