Kinilala ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang ambag ng mga mining companies sa kampanya ng pamahalaan para sa reforestation o muling pagbuhay sa mga kagubatan.
Ayon kay DENR assistant secretary for Field Operations Arleigh J. Adorable, malaki ang naitutulong ng mga mining companies sa rehabilitasyon ng mga kagubatan ng bansa.
Sa ilalim kasi ng Mining Forest Program, ang mga mining companies ay naatasan na ayusin o magsagawa ng reforestation sa mga kagubatan na nasa palibutan ng kanilang mga minahan, kasama na sa mismong lugar kung saan isinasagawa ang operasyon.
Ayon kay Adorable na siyang ring director ng Forest Management Bureau (FMB), hindi lamang nililimitahan ng mga naturang kumpanya ang kanilang rehabilitation project sa mismong lugar na nailaan sa kanila.
Marami aniya sa mga naturang kumpanya ay nagsasagawa rin ng reforestation project sa iba pang mga lugar.
batay sa datus ng Mines Geosciences Bureau – Forest Management Program, simula inumpisahan ang Mining Forest Program noong 1989 ay umabot na sa 48,955,946 na puno ang naitanim.
Mula sa naturang bilang , 44,008,839 na ang mga punong nabuhay at naging ganap na mga pungkahoy.
Ito ay binubuo ng 40,546.32 na ektarya ng mga lupain sa buong bansa.
Pinakamarami dito ay naitala sa Region13 o Caraga Region, sumunod ang Cagayan Valley Region, Cordillera, at MIMAROPA.