-- Advertisements --

Nanawagan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa lahat ng mga local government units na taasan pa ang multa sa mga hindi nagse-segregate ng kanilang mga basura.

Ayon kay DENR Usec. Benny Antiporda, dapat na bumuo ng mga ordinansa ang mga LGUs na magpapataw ng minimum na P1,000 sa mga hindi maghihiwalay ng kanilang mga basurang nabubulok at hindi nabubulok.

Inihayag ni Antiporda na mainam daw ito upang maramdaman din ng mga pasaway na indibidwal ang masamang epekto ng hindi wastong pangangasiwa ng basura sa kalikasan.

“‘Yun po ang hinihiling natin na magkaroon ng talagang penalties na ika nga eh mararamdaman o masasaktan ang tao para maramdaman din nila ang ginagawa nila para sa kalikasan,” wika ni Antiporda.

Mas mabilis din aniya itong paraan upang maresolba ang kultura ng kawalang disiplina kaysa amyendahan pa ang nasabing batas.

Ang panukalang ito ay bukod pa sa P300 hanggang P1,000 multa na ipapataw sa mga lalabag sa Solid Waste Management Act of 2000.

Base sa mga pag-aaral, sakaling maganda ang pangangasiwa sa basura ay papalo na lamang sa nasa 20% hanggang 30% ang mga basurang itatapon sa mga sanitary landfill.