Nilagdaan na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang limang taong kasunduan sa Government Service Insurance System (GSIS) at tatlo pang pribadong mga kumpanya para sa rehabilitasyon ng Upper Marikina River Basin Protected Landscape (UMRBPL).
Ang naturang proyekto ay isasagawa sa ilalim ng Expanded National Greening Program (ENGP) ng pamahalaan.
Sa ilalim ng nilagdaang memorandum of agreement, ay magiging katuwang ng DENR Calabarzon office ang GSIS, D.M. Consuji Inc. (DMCI), Toyota-Oben Group of Dealers (TOGD_ at Meralco Industrial Engineering Services Corp. (MIESCOR) sa pagsasagawa ng rehabilitation sa 70 ektarya ng UMRBPL.
Ayon kay Provincial Environment and Natural Resources for Rizal na si Ramil Limpiada, ang mga lugar na ito ay ibinalik sa DENR ng mga organisasyon ng mamamayan at mga lokal na pamahalaan matapos matupad ang kanilang tatlong taong kontrata sa pagpapaunlad ng mga lugar para magtanim ng mga puno.
Nakatuon ang GSIS sa pagbibigay ng pondo para sa maintenance at proteksyon sa 56 na ektarya sa loob ng 1,000 ekstarya ng NGP tree plantation habang ang Meralco naman ang bahala sa isang ektaryang lugar sa loob ng 1,000 ektarya ng ENGP plantation site.
DMCI at TOGD naman ang bahala sa sampu at tatlong ektarya sa loob ng 250 hectares ng NGP.
Ang mga katuwang ng DENR ay nangakong maglalabas ng P3.1 milyon, kung saan ang P2.01 milyon ay magmumula sa GSIS.