-- Advertisements --

Hihingi umano ng tulong ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa iba’t ibang mga ahensya ng pamahalaan upang tuguna ang problema sa waste management sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay DENR Undersecretary Benny Antiporda, inimbitahan na nila ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang pag-usapan ang posibleng mga solusyon.

Kamakailan nang iulat ng Asian Development Bank at ng United Nations na lumobo sa 280 tonelada ang medical waste sa Metro Manila kada araw dahil sa health crisis.

Sinabi pa ng opisyal, sa ilang mga barangay ay namahagi na sila ng dilaw na mga trash bin kung saan itatapon ang mga healthcare waste mula sa mga kabahayan.

Bagama’t limitado aniya ang pondo ng DENR upang maglunsad ng information campaign, inihayag ni Antiporda na makikipagtulungan na lamang sila sa iba pang mga sangay ng pamahalaan.

Aniya, itatapon ng mga tagakolekta ng basura ang mga household healthcare waste sa isang special cell sa mga sanitary landfill.