-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Muling kinumpirma ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na bumaba ang coliform level sa tubig sa baybayin ng isla ng Boracay.

Ito ay batay umano sa pinakahuling water quality monitoring ng Environmental Management Bureau.

Ang pinakamataas na coliform level na naitala ay 40 sa bawat 100 milliliters.

Ang level ng coliform sa tubig na ligtas mapaliguan at makasagawa ng recreational activities ay 100 mpn/100 ml.

Kaugnay nito, hindi na umano ikinababahala ng pamahalaan ang kalusugan ng mga residente, turista at bakasyunista dahil ligtas nang mapaliguan ang mala-kristal na tubig-dagat ng Boracay.

Una rito, sinabi ni Environment Secretary Roy Cimatu na mahigit sa 51 establisyimento sa front beach at 42 sa ibang area sa isla ay may sarili ng Sewage Treatment Plants (STPs) habang ang ilan ay nakakonekta sa sewer line.

Nabatid na kaliwa’t kanan ang pagtibag sa mga establisyimentong nakitaan ng paglabag sa 25-plus-5 road at coastal easement, walang sariling STPs at maraming iba pa.

Sa ngayon ay nananatili pa rin sa 339 establishments na may kabuuang 12,083 na mga kwarto ang accredited ng Department of Tourism (DoT) na maaaring tumanggap ng mga bisita.