Nagbabala ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa posibleng malaking problema sa suplay ng tubig sakaling tumagal pa ang El Nino phenomenon nang lagpas sa ikalawang kwarter ng 2024.
Ayon kay DENR USec. Carlos Primo David ang suplay ng tubig sa Angat dam at iba pang resources ay kayang tustusan ang demand sa tubig hanggang sa Mayo o Hunyo ng 2024.
Ang angat dam nga ang nagsusuplay ng 90% ng potable water na kailangan sa buong Metro Manila.
Kung kayat ang ginagawa ng ahensiya ay ipreserba ang tubig mula sa mga dam para pagpasok ng 2024 ay nasa maximum volume ang mga antas ng tubig sa dam.
Maaari naman aniyang maranasang muli sa Metro Manila ang nangyari noong 2019 na krisis sa tubig kung saan pila pila ang mga residente para sa rasyon ng tubig at humarap naman ang ilang mga ospital ng ilang araw na limitado o walang suplay ng tubig, bagay na nais nilang mapigilang mangyari ulit.
Una ng iniulat ng state weather bureau na nasa 65 probinsya sa buong bansa ang makakaranas ng tagtuyot habang 6 na iba pa ang maaaring makaranas ng dry spell sa katapusan ng Mayo 2024.