Patuloy na nananawagan ang Department of Environment and Natural Resources sa publiko na isulong ang pagbabawas sa paggamit ng mga plastik sa bansa.
Ito ay sa kadahilanang umabot na raw sa 2.7 milyong toneladang basura ng plastik ang naiaambag ng Pilipinas bawat taon.
Ayon kay DENR Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga, humigit-kumulang 20 porsyento ng mga ito ay napupunta sa ating mga karagatan habang ang iba naman ay napupunta sa mga lansangan, at maging sa hangin na ating nalalanghap.
Dagdag din niya na ang pagkilos upang maiwasan ang mga ito ay hindi kayang gawin ng gobyerno nang mag-isa at kinakailangan din ng kooperasyon ng korporasyon at maging ng mga publiko.
Kailangan na magkaisa ang mga tao at ito ay maaaring mag-umpisa sa tahanan, habang ang mga unibersidad at mga ahensya ay maaari ring makiisa at magpatupad ng kanilang mga sariling kaparaanan upang makamit ang hangarin na maging plastic-free ang ating bansa.