Pinaigting ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Mines and Geosciences Bureau (MGB) ang kanilang regulasyon ng mga small-scale na minahan, lalo na sa pagtabi ng mga residual stockpiles o mga labi mula sa operasyon.
Ang nasabing hakbang ay bahagi pa rin ng malawakang kampanya ng ahensya upang isulong ang responsableng pagmimina sa Pilipinas.
Ayon kay MGB Director Atty. Wilfredo Moncano, layon nitong mapabilis pa ang environmental restoration bago at matapos ang mga mining operations sa Minahang Bayan.
Ang Minahang Bayan ay isang kooperatibo ng small-scale miners na binubuo sa isang lugar at organisado ng gobyerno.
Sa ilalim ng regulasyon, kailangang sumunod sa mga mas striktong kundisyon ang mga maliliit na minahan lalo na’t sa pagtapon ng residual stockpiles, o mga labi ng operasyon na hindi pa naitatabi.
Maliban dito, ang pagtabi sa residual stockpiles ay dapat nakaayon sa isang Environment Management Plan (EMP) na maglilinaw ng mga layunin at plano ng nasabing minahan sa pag-aaruga ng kalikasan at mga komunidad na apektado.
Ilan sa mga iba pang patakaran upang ayusin ang small-scale mining industry ay ang pagpapabilis sa mga prosesong kinakailangang daanan upang makakuha ng mga lisensya at ang pagbibigay ng mga insentibo upang maging ligal ang mga maliliit na minahan, tulad ng pagtanggal ng income at excise tax.
Inaasahan umanong malaki ang magiging epekto nito upang hikayating maging ligal ang mga iligal na nagmimina.