Kalibo, Aklan–Pinapasuspinde na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang dragon boat race sa isla ng Boracay.
Ito ay kasunod sa pagkasawi ng pitong paddlers ng Boracay Dragon Force team makaraang hampasin ng malakas na alon habang nagsasanay sa nasabing isla.
Sa kalatas na ipinalabas ng DENR, ipinag-utos ni Environment Secretary Roy Cimatu ang pagbabawal muna sa dragon boat race habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa nasabing insidente.
Kaugnay nito, nakatakdang magpulong sa Setyembre 30 ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno na kabilang sa emergency and rescue response nang mangyari ang insidente sa dagat.
Maalalang 14 lamang ang nakaligtas sa 21 miyembro ng grupo makaraang tumaob ang dragon boat na sinakyan ng mga ito nang balakin nilang umikot sa beach front habang nagsasanay para sa lalahukang international competition sa bansang Taiwan.