-- Advertisements --

Tigil operasyon na ang resort na nag-ooperate sa loob mismo ng Chocolate Hills protected areas sa lalawigan ng Bohol.

Ito ay matapos na mag-isyu ng cease and desist order ang DENR laban sa kontrobersiyal na resort na Captain’s Peak Garden and Resort.

Ayon kay DENR USec. for Field Operations Juan Miguel Cuna, inisyu ang naturang CDO kahapon lamang, Marso 14 para sa close monitoring ng nasabing resort para matiyak na hindi ito mag-ooperate sa lugar.

Ang naturang CDO ng DENR ay 6 na buwan matapos inisyuhan ng Temporary Closure Order ang naturang establishimento noong Setyembre 6, 2023 at halos 3 buwan matapos isyuhan ito ng notice of violation noong Enero 22 ng kasalukuyan taon.

Una ng sinabi ng DENR na nag-ooperate ang naturang resort nang walang kinakailangang environmental compliance certificate (ECC).

Samantala, ayon naman kay Environment Secretary Antonia Yulo-Loyzaga kanila ng pinag-aaralan ang iba pang mga paglabag ng resort.

Maliban sa wala itong ECC, ang mga posibleng paglabag pa ng resort ay ang posibleng pinsala sa kapaligiran sa paglalabas ng waste water at iba pang uri ng solid waste management challenges may kinalaman sa pagtatayo ng resort sa lugar.

Pagdating naman sa demolition ng resort, kailangan pa aniya itong pag-aralan dahil ito ay isang private property.