-- Advertisements --

Hinimok ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga lokal na pamahalaan na magpasa ng mga ordinansa na mag-aatas sa mga barangay na magpatupad ng waste segregation o wastong paghihiwalay ng basura.

Sa isang pahayag, sinabi ni DENR Usec. Benny Antiporda na dapat ipatupad sa barangay level ng mga lungsod at bayan sa bansa ang ordinansa sa waste segregation para aniya sa epektibong pagkolekta at pagtatapon ng solid waste.

“Propose to your local council to create an ordinance that will act on those who do not practice segregation in their barangays,” saad ng opisyal.

Muli ring inihayag ng DENR official ang panawagan para sa mas pinainam at epektibong pangangasiwa sa basura.

“It is already stated in RA [Republic Act] 9003 [Ecological Solid Waste Management Act of 2000], but let us strengthen it with the help of your council,” dagdag nito.

Inirekomenda rin ni Antiporda ang pagkakaroon ng “environmental marshals” sa bawat barangay na siyang magmo-monitor ng solid waste management practices sa mga katabing barangay.