Umapela ang Department of Environment and Natural Resources sa publiko na protektahan ang pangingitlog ng mga marine turtle sa pampang.
Ginawa ni DENR Secretary Maria Antonia Loyzaga ang apela matapos matuklasan ang pamumugad at tuluyang pangingitlog ng Leatherback turtle (Dermochelys coriacea) sa bayan ng Sta. Ana, Cagayan.
Ang mga Leatherback turtle ay deklarado bilang critically endangered sa buong mundo.
Batay sa paliwanag ng National Oceanic and Atmospheric Administration, kung nakahanda nang mangitlog ang babaeng Leatherback ay bumabalik ito sa pampang kung saan ito unang ipinanganak.
Dahil dito, sinabi ni Sec. Loyzaga na pinag-aaralan na nilang magtayo ng isang marine scientific research station sa naturang lugar.
Batay sa monitoring ng DENR, ikatlong pagkakataon nang nangitlog ang natuklasang Leatherback sa dalampasigan ng isang barangay, anim na kilometro ang layo mula sa protected landscapes and seascapes ng Palaui Islands.
Ayon kay Loyzaga, aabutin ng 20 hanggang 30 na taon bago tuluyang maging mature ang mga ito.
Maaari aniyang umabot ng hanggang isandaang baby Leatherback ang lalabas mula sa pugad sa susunod na dalawa hanggang tatalong buwan.
Dahil dito ay umapela ang kalihim sa mga coastal community, LGU, at mga law enforcement agencies na tulungan ang DENR sa pagprotekta sa mga pugad ng mga Leatherback at iba pang marine turtle sa ibat ibang bahagi ng bansa.