-- Advertisements --

Muling nanawagan si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu sa mga mambabatas na amyendahan ang Republic Act 9147 o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act of 2001.

Ito ay upang patuloy na maprotektahan ang Philippine eagle at iba pang wildlife species sa mga bansa at upang matiyak na mahigpit na maipapatupad ang mga kaparusahan sa sinumang lalabag sa naturang batas sa gitna ng dumaraming bilang ng mga nare-rescue na mga Philippine eagle ngayon sa bansa.

Ang pagdami aniya ng mga nare-rescue na mga agila ngayong panahon ng pandemya ay nangangahulagang nai-istorbo ng mga taong pumapasok sa kagubutan para mangaso bilang pagkain o pangkabuhayan ang tahanan ng mga ito ayon sa mga eksperto ng Philippine eagle biology and ecology.

Aniya, kinakailangan na manatiling mapagmatyag, at iparating sa mga salarin na haharap ang mga ito sa mga batas pangkalikasan ng bansa kung magpapatuloy ang mga ito sa ganitong gawain.

Ipinahayag ito ni Cimatu kasunod ang pagpapalaya sa isang babaeng Philippine Eagle na pinangalanang “Godod” matapos na masagip ito nang mahuli at ikulong ng isang residente sa isang lugar sa Baragay Bunawan, Godod sa Zamboanga del Norte.

Isinailalim ito sa iba’t-ibang pagsusuri ng mga kinauukulan upang masiguro na malusog ito at walang tinamong bali at iba pang pinsala.

Ang Philippine eagle ay isang critically endangered species sa ilalim ng DENR Administrative Order 2019-09 na kilala bilang updated National Lists of Threatened Philippine Fauna and their Categories at sa Appendix I ng Convention on International Trade for Endangered Species of Wild Fauna and Flora o CITES kung saan sinabi na ang mga species ay nanganganib sa pagkalipol.

Kasama rin ito sa International Union for Conservation of Nature o IUCN Red List of Threatened Species.