![socorro bayanihan services inc](https://xrc.bomboradyo.com/newscenter/2023/09/socorro-bayanihan-services-inc.png)
Sinuspendi na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang kasunduan nito sa kontrobersiyal na grupo na Socoroo Bayanihan Services Inc. (SBSI) na sinasabing relihiyosong kulto mula sa pag-okupa sa bahagi ng lupang nagsisilbing headquarters nito sa Sitio kapihan habang nakabinbin pa ang imbestigasyon sa umano’y kanilang paglabag.
Sa isang statement, sinabi ng DENR na inisyu ni Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga ang isang Letter of Suspension sa SBSI may kaugnayan sa “gross violation” nito ng mga termino at kondisyon sa ilalim ng Protected Area Community-Based Resource Management Agreement (PACBRMA)
Iginawad sa SBSI ang naturang kasunduan noong 2004 na may terminong 25 taon at maaaring ma-renew ng panibagong 25 taon kung saan saklaw dito ang 355 ektarya ng lupaing matatagpuan sa hilagang bahagi ng Barangay Sering at natatanaw ang hilagang bahagi ng Bucas Grande Island.
Ayon sa DENR, noong 2019 pa lamang kanila ng pinuna ang grupo kaugnay sa umano’y paglabag sa kasunduan kabilang ang pagbabawal na pumasok sa lugar, paglalagay ng checkpoints at military-like training, pagtatayo ng mga istruktura sa lugar gayundin ang pagbibitiw ng mga guro, uniformed personnel at mga opisyal ng barangay.
Samantala, makikipagtulungan naman ang ahensiya sa DILG, DSWD, Department of Human Settlements and Urban Development at sa pamahalaang panlalawigan ng Surigao del Norte at iba pang mga awtoridad para matiyak ang maayos at mapayapang pagpapatupad ng suspension notice at posibleng resettlements ng mga occupant.
Una ng pina-contempt ng joint Senate panel ang lider ng nasabing kulto at tatlo pa sa mga miyembro nito at kasalukuyang nakadetine sa Senado.