Suportado ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang Senate Bill (SB) 2425, na ino-obliga ang mga manufacturers at producers na i-manage ng maayos ang kanilang mga basurang plastic packaging.
Sa isang statement ay sinabi ni DENR Secretary Roy A. Cimatu na suportado ng kagawaran ang inisyatiba na isama ang Extended Producer Responsibility (EPR) sa Republic Act (RA) 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000.
Aniya, ang EPR ay isang practical approach sa efficient waste management, waste reduction, at maging sa development ng environment-friendly packaging products.
Itinataguyod din nito ang isang sustainable consumption production na nagbibigay diin sa buong responsibilidad ng producer nito.
Ani Cimatu, upang maisakatuparan ito ay hindi lamang ang buong-gobyerno ang kinakailangan, kundi pati na rin ang pakiki-isa ng buong lipunan upang mabawasan pa hanggang sa maubos ang residual waste stream sa circular economy na isinusulong ng DENR.
Ang Senate Bill (SB) 2425 ay ipinasa sa ikatlo at huling pagbasa noong Enero 31 upang ma-institutionalize ang Extended Producer Responsibility (EPR) at amyendahan ang RA 9003.