-- Advertisements --

Target ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na kumuha ng mga security personnel o “blue guards” upang pigilan na iligal na masakop ang protected areas ng bansa.

Sinabi ni Environment Secretary Roy Cimatu na maisasakatuparan ito sa pamamagitan ng kanilang mga field offices, at Biodiversity Management Bureau.

Pangunahing prayoridad kasi aniya ng kanilang kagawaran na patuloy na pangalagaan ang mga protected areas ng bansa sa pamamagitan ng pagtutok sa pagtugon sa mga iligal na paninirahan sa mga lugar na ito.

Ayon pa sa kalihim, ang iligal na paninirahan ng mga tao dito ay matagal ng problema ng ahensya dahil sa ang mga ito aniya ang dahilan kung bakit dumudumi at nasisira ang mga lugar na ito.

Tinitignan na ngayon ng DENR ang paghingi ng tulong sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) upang palakasin pa ang seguridad sa mga naturang protected areas.

Sa ilalim ng Republic Act 11038 o ang Expanded National Integrated Protected Areas System (ENIPAS) Act of 2018, 94 na mga lugar pa ang idinagdag sa listahan ng mga protektadong lugar na nasa batas, na magtutulak naman sa 107 na kabuuang bilang nito.

Inuri naman bilang national parks sa ilalim ng 1987 Philippine Constitution ang mga pampublikong lupain na ito na kabilang sa legislated protected areas.

Nakasaad sa batas na mahigpit na ipinagbabawal ang pag-okupa o paninirahan sa anumang naturang lupain sa mga protected area nang walang clearance mula sa Protected Area Management Board.

Ang sinomang lumabag sa naturang batas ay pagmumultahin ng P200,000 hanggang isang milyong piso o di kaya’y mapapatawan ng isang taon, ngunit hindi lalagpas ng hanggang anim na taon na pagkakakulong, o pareho.