-- Advertisements --

KALIBO, Aklan -Tiniyak ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na gagawa ang mga ito ng hakbang upang hindi na maulit ang naranasang pagbaha sa ilang low-lying areas sa isla ng Boracay.

Ito ang sinabi ni Environment Usec. Benny Antiporda sa gitna ng kaliwa’t kanang batikos ng mga residente at turista sa nagpapatuloy na rehabilitation effort ng pamahalaan sa mala-paraisong isla.

Asahan aniya sa susunod na mga araw ay magkakaroon ng improvements ang mga lugar na apektado ng pagbaha.

Iginiit pa ni Antiporda na “isolated cases” lamang umano ang nangyari at muling tiniyak na ginagawa nila ang lahat ng makakaya para sa improvement at development ng isla.

Ang Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) sa kooperasyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay siyang nakatalaga sa completions ng mga drainage at flood control infrastructures sa tatlong barangay ng isla na kinabibilangan ng Yapak, Balabag at Manoc-Manoc.

Nasa P1-bilyon ang inilaan ng TIEZA para sa Phase 2 implementation ng Boracay Flood Drainage Expansion Project na inaasahang matapos sa buwan ng Disyembre ng kasalukuyang taon.

Nabatid na ang road rehabilitation plan ng national government ay layuning malutas ang infrastructure at environmental issues sa isla ng Boracay.