BAGUIO CITY – Umaapela ngayon ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga residente sa mga mountainous areas sa lalawigan ng Benguet para ihinto na nila ang pagsunog sa mga gubat.
Ayon kay Benguet Provincial Environment and Natural Resources Officer Carlos Arida, naging problema nila sa ibat-ibang panig ng lalawigan sa pagsisimula ng 2019 ang pagkakaingin ng mga residente.
Aniya, sinusunog ng mga residente ang forest lands o bahagi ng mga gubat para gawing agricultural lands o taniman.
Sinabi niya na batay sa report ng Bureau of Fire Protection ay ilang insidente ng uncontrolled fires ang naitala sa ibat-ibang forested areas sa Benguet kahit pa sa mga bundok na tourist destinations.
Napag-alaman aniya na karamihan dito ay dahil sa kaingin burning o paglilinis ng taniman sa pamamagitan ng pagsunog.
Maaalalang naitala ang malalaking forest fires sa mga bayan ng Kabayan, Bokod, Itogon, La Trinidad at Bakun kung saan ekta-ektaryang bahagi ng mga gubat ang nasunog.
Panawagan aniya sa lahat na kung maaari ay iwasan ang pagsusunog sa mga kabundukan dahil nagkakaroon ito ng malaking epekto sa climate change sa pamamagitan ng direct emission ng carbon dioxide sa environment.
Babantayan din ng DENR ang mga damaged areas dahil as mga forest fires at titignan nila kung paano isasailalim ang mga ito sa rehabilitation.
Hihigpitan pa aniya ang information education and communication campaign lalo na sa mga upland farmers bilang bahagi ng kanilang hakbang para mailigtas ang mga natitirang gubat sa lalawigan ng Benguet.