CAGAYAN DE ORO CITY – Umaasa ngayon ang tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR-10) na bubuhos ang malawakang pag-ulan sa malaking bahagi ng Mindanao.
Ito ay upang mabawasan ang bumabalot na haze o usok na nasa himpapawid na nagmula sa forest fires na Sumatra at Kalimantan ng Indonesia.
Ito ay dahil sa patuloy na pagkapal sa presensya ng haze sa ilang bahagi ng Northern Mindanao partikular sa Cagayan de Oro City, Misamis Oriental at Bukidnon simula Setyembre 17.
Inihayag sa Bombo Radyo ni DENR regional director Reynaldo Digamo na malaking tulong ang pagbuhos ng mga pag-ulan upang mapawi ang usok na nakaabot sa tetitoryo ng Mindanao.
Bagamat inihayag ni Digamo na nasa fair air condition pa ang nalalanghap ng publiko subalit nababahal ito kapag magtatagal ang forest fires sa Indonesia.
Umaasa ito na hindi aabot sa mas malubha na kalagayan ang sunog sa kagubatan ng Indonesia upang makaiwas ang Pilipinas panganib na dala ng haze na idudulot nito.
Sa ngayon, inalerto ng DENR ang publiko partikular ang mga taong mayroong respitory health concerns na limitahan na ang pagpunta sa mga pampublikong lugar upang makaiwas sa idudulot na epekto nito sa kanilang kalusugan.