CAGAYAN DE ORO CITY – Naka-plano at nakahanda nang mandamay ang 65 anyos na matanda na unang nahulihan ng lawaan cut logs ng DENR personnel kaya nagresulta ng grenade explosion sa loob ng Initao College campus sa Barangay Jampason, Initao, Misamis Oriental.
Ito ang initial assessment ni DENR Asst Regional Director Aldritz Resma kung bakit nagwawala ang suspek na si Ebrahim Basher na taga-Madamba,Lanao del Sur nang dumulog sa kanilang Community Environment and Natural Office (CENRO) upang ma-negotiate ang release ng pagmay-ari nitong wingvan.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Resma na hindi totoo na kaya nagwala ang suspek ay desperado na ito dahil pinapa-balik-balik lamang ng CENRO personnel at maibigay lamang ang kanyang sasakyan at kargamento kung makapagbigay ng ‘bribe money.’
Inihayag ni Resma na hindi gawain ng kanyang mga tauhan ang lumalabas na impormasyon at katunayan ay natapos na ang administrative proceedings kaya tuluyang kinumpiska ang mga kontrabando.
Naisalaysay kasi ni CENRO forester Abby Asok na gusto pasabugin ng suspek ang dala nito na granada sa loob ng DENR office kaya nagtakbuhan palabas ang mga empleyado.
Nasaksak rin ng suspek gamit ang icepick ang isang DENR employee bago ito tumungo sa Initao College at ipinagpatuloy ang pagwawala.
Naka-responde ang dalawang pulis subalit ginawang panangga ni Police Master Sgt Jason Magno ang kanyang katawan sa sumabog na granada ni Basher ng ito ay tuluyang nabitawan nang pinagtulungan ma-neutralize.
Sa kabila na sumentro sa katawan ni Magno ang sharpnels sa granada ay umaabot pa rin ito sa 16 na katao kasama si Police Master Sgt Alice Balido maging mga mag-aaral at mga guro sa nasabing paaralan.