Naaprubahan na ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) Board ang unang preventive oral health care benefit package ng bansa.
Masayang ibinalita ni Health Sec. Teodoro Herbosa na pasok na rin sa bagong health benefits package ang pangangalaga sa ngipin.
Ang pag-apruba ay kasabay ng paglahok ng bansa sa kauna-unahang World Health Organization Global Oral Health Meeting sa Bangkok, Thailand.
Sa ilalim nito, sagot ng state health insurer ang hanggang P1,000 oral health benefit kada taon para sa preventive oral care services ng mga miyembro. P300 para sa unang dalaw, sakop ang mouth examination/oral screening, oral prophylaxis (cleaning), at flouride varnish application.
P300 para sa pangalawang dalaw nang hindi bababa sa apat na buwan pagkatapos ng unang dalaw, para sa parehong serbisyo
P200 naman ang kada ngipin (maximum na dalawang ngipin bawat taon) para sa pit and fissure sealant at Class V procedure.
Hindi kasama sa benefit package ang bunot, ayon kay Department of Health (DOH) Asec. Albert Domingo.
Magagamit ang benepisyong ito sa primary care facilities tulad ng Bagong Urgent Care and Ambulatory Service (BUCAS), centers at rural health units.
Sabi ni Domingo, binabalangkas pa sa ngayon ang circular kaugnay ng oral health care benefit package, kabilang ang payment mechanism, na planong mailabas ngayong Disyembre.
Target na PhilHealth ipatupad ang naturang dental services sa unang quarter ng 2025.