Umaapela si Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo para sa denuclearization sa Korean Peninsula kasabay ng kanyang pagbisita sa United Nations Command (UNC) Joint Security Area (JSA).
Sa isang pahayag, sinabi ng kalihim na ang mga intercontinental ballistic missile test, pagpapalipad ng missile gamit ang mga bagong teknolohiya, at iligal na military cooperation ng North Korea ay hayagang paglabag sa UN Security Council sanctions
Binigyang-diin ni Manalo ang kahalagahan ng commitment para sa demokrasya, pagrespeto sa karapatang pantao, at rules-based international order, kasabay ng pagkondena sa aniya’y ‘provocative actions’ ng NoKor.
Giit pa ng opisyal, ang mga aktibidad ng NoKor ay lalo lamang nakakapagpataas ng tension sa lugar habang sinisira din nito ang economic progress, kapayapaan, at katatagan sa Korean Peninsula at sa Indo-Pacific region sa kabuuan.
Kasabay nito ay hinimok ng kalihim ang dalawang Korea na bumalik uli sa denuclearization campaign at mapayapang pag-uusap upang maabot ang ninanais na pangmatagalang kapayapaan at katatagan.
Mananatili aniyang susuporta ang Pilipinas sa mga pagsisikap upang maabot ang denuclearized Korean Peninsula.
Ang Joint Security Area ay ang tanging lugar sa Korean Demilitarized Zone (DMZ) kung saan ang mga pwersa ng North at South Korea ay nagkakaharap ng personal. Ginagamit ito para sa mga diplomatic engagements ng dalawang bansa.