-- Advertisements --

Tinalo ng Denver Nuggets ang Brooklyn Nets sa isang thriller game, 122 – 117.

Nagawa ito ng Nuggets sa pamamagitan ng pinagsamang 63 points ng dalawa nitong elite scorer: 31 points 11 rebounds ang ginawa ni Nikola Jokic habang 32 points 9 assists naman ang kontribusyon ni Jamal Murray.

Nakipagsabayan din ang Brooklyn sa defending champion na Nuggets, matapos kumamada ng double-digit scores ang pito nitong players sa pangunguna ni Cam Thomas na gumawa ng 23 points.

Dalawa rin sa mga player nito ang gumawa ng double-double performance: 10 points 16 rebs ang nagawa ni Nic Claxton habang 13 points 10 rebounds ang kontribusyon ni Day’Ron Sharpe.

Naging gitgitan ang labanan sa pagitan ng dalawang team matapos ang palitan ng magandang opensa. Natapos ang first half sa score na 60 – 58 pabor sa Brooklyn.

Pagpasok ng 3rd quarter, bumawi ang Nuggets at lumamang din ng dalawang puntos kontra Brooklyn, 76 – 78.

Agad namang pinasok ng Brooklyn ang magandang opensa sa huling kwarter.

Sa huling 19 segundo ng laro, hawak ng Denver ang 1-pt lead, 115-114.

Gayonpaman, nabigo ang Nets na bantayan ang huling mga segundo, kasabay ng itinawag na tatlong sunod-sunod na foul, na naging dahilan ng tuluyang paglayo ng score ng Nuggets.

Ito na ang ika-20 panalo ng Nuggets ngayong season, hawak ang sampung pagkatalo habang 13 – 15 naman ang kartada ng Brooklyn.