Tinanggal na ng Denver Nuggets ang head coach ng koponan na si Michael Malone, tatlong games na lamang bago tuluyang matapos ang regular season.
Si Malone ang nagsilbing head coach ng kopononan sa loob ng sampung taon at nagawa niyang magtala ng 471-327 win-loss record.
Sa ilalim ni Malone, nagawa ng Nuggets na pumasok sa playoff sa loob ng anim na beses at nagawang maipanalo ang championship noong 2023, ang kauna-unahang kampeonato sa kasaysayan ng Denver.
Bago pumasok sa Nuggets, dalawang taon din siyang nagsilbi sa Sacramento Kings.
Sa kasalukuyan ay hawak ng Nuggets ang win-loss record na 47-32 habang nakikipagsabayan sa iba pang mga team sa Western Conference upang makapasok sa top-6 at maiwasan ang Play-In tournament.
Magsisilbi munang interim head coach ng Denver si David Adelman, ang assistant coach ng koponan.
Batay sa record ng NBA, natanggal na ang lima mula sa pitong head coach na huling nakapagbigay ng championship sa kani-kanilang koponan.
Kinabibilangan ito nina Nick Nurse ng Toronto Raptors, Frank Vogel ng Los Angeles Lakers, Mike Budenholzer ng Milwaukee Bucks at Tyronn Lue ng Cleveland Cavaliers.