Inihayag ng Department of Budget and Management (DBM) na kabuuang P1.2 bilyon ang magpopondo sa iba’t ibang programa ng gobyerno para palakasin ang micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa ilalim ng national budget ngayong taon.
Sa isang pahayag, sinabi ng Department of Budget and Management na ang mga programang ito ay bahagi ng micro, small and medium enterprises Development Plan at iba pang mga hakbangin ng Department of Trade and Industry (DTI).
Ito ay upang isulong ang paglago at pagtatatag ng Negosyo Centers, One Town One Product (OTOP) at Shared Service Facilities (SSF).
Ang mga micro, small and medium enterprises o MSME ay nagsisilbing mga paraan ng pagbuo ng ekonomiya ng bansa.
Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, sinisikap ng pamahalaan na palakasin ang mga ito at alalayan sa pagbangon, lalo na sa mga hamon na humadlang sa kanilang paglago tulad ng pandemya.
Sa ilalim ng budget ngayong taon, humigit-kumulang P583 milyon ang inilalaan para sa pagpapatupad ng micro, small and medium enterprises Development Plan at mga katulad na programa ng gobyerno.