CEBU – Alinsunod sa maraming reklamo hinggil sa maraming gawain ng mga guro, gumawa ng hakbang ang Kagawaran ng Edukasyon upang mapagaan ang hirap ng mga guro.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Dr.Salustiano Jimenez, na regional director ng DepEd-7, ibinunyag nito na niluwagan na ng Central Visayas ang work loads ng mga guro, kabilang na rito ang hindi na kailangang gumawa ng lesson plan ang guro sa halip na palitan ito ng prototype lesson plan na ipo-produce sa portal ng division office at kukunin na lamang ng mga guro batay sa grade level na kanilang ituturo.
Maliban dito, binigyang-diin na ang bawat paaralan ay gagawa ng learning resource center kung saan ang mga guro ay maglalagay o mag-iimbak ng kanilang mga instructional materials upang sa ganoy panahon na itoy gagamitin ay hindi na sila kailangang gumawa pa o madaling mahanap ang gamit.
Inalis na rin ang iba’t ibang corners ng silid-aralan gaya ng reading corner at health corner na isa sa mga sakit ng ulo ng mga guro dahil sa kasalukuyang mas nangailangan ng mas maluwag o mas malaking espasyo para sa mga mag-aaral.
Samtantala, kinonsidera ni imenez, na ‘welcome development’ ang plano ng national office na kumuha ng 10,000 guro.
Sa pamamagitan ng hakbang na ito, madadagdagan ang mga guro at mabibigyan sila ng sapat na oras para magturo, gayundin ang mga asignaturang hawak nila.
Isa pa, may mga gurong sobra sa trabaho, na magandang development kung mapupunan ang manpower ng departamento.
Gayunpaman, aminado si Dr. Jimenez na maikli pa rin ang bilang ngunit magiging maganda ito para sa susunod na pasukan.