Nangangailangan ang Department of Education (DepEd) ng P112 milyon para sa pagpapaayos ng mga nasirang paaralan dahil sa Bagyong Karding.
Base sa Department of Education (DepEd)- Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS) hindi bababa sa 20 mga paaralan ang nasira dulot ng bagyo.
Ang mga paaralang ito ay matatagpuan sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol Region, National Capital Region (NCR), at Cordillera Administrative Region (CAR).
Sinabi ng DepEd na 12,174,549 na mag-aaral sa 21,509 na paaralan ang lahat ay naapektuhan ng bagyo, kabilang ang mga naapektuhan ng suspensiyon ng klase.
Mayroon ding 107 school divisions ang apektado sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, NCR, at CAR.
May kabuuang 327 na mga paaralan din ang ginamit bilang mga evacuation center, kung saan 259 sa mga ito ay kasalukuyang ginagamit pa.
Batay sa binagong DepEd Order (DO) 37 na nilagdaan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte, maaaring gamitin ang mga paaralan bilang agarang evacuation site sa panahon ng kalamidad ngunit hindi dapat tumagal ng higit sa 15 araw.
Inatasan din ang mga local government unit na huwag gamitin ang mga paaralan bilang pangmatagalang tirahan ng mga evacuees.